Sir
Sir, noong unang beses pa lang na umapak ka sa room
namin para sa subject na Behavioral Foundations in Health and Illness
(Psychology part) noong 1st year, nakuha mo na ang atensyon ko – hindi dahil sa ikaw ang
professor kundi dahil sa porma at sa tikas mo.
Sir, noong unang beses na naglecture ka sa
klase namin, bumilib na’ko sa’yo – hindi
dahil sa porma at tikas mo kundi dahil sa katalinuhan mo.
Sir, noong unang beses mong nagpaexam sa
klase namin, lalo pa akong namangha sa’yo – hindi dahil madali ang exam mo
kundi dahil napagbigyan mo ang ilan sa’min pati ako kahit na hindi kami sumunod
sa instructions.
At dahil bago pa lang ako noon sa Facebook,
inadd agad kita at ikaw ang unang professor na naging FB friend ko. At dahil
bago pa lang ako noon sa Facebook, naging malaking bagay na para sa’kin ang
maging friend ka sa Facebook.
Kayo po ang unang una kong hinangaang
professor sa kolehiyo. Kayo po ang unang naging modelo para sa akin. Kayo po
ang unang taong naging inspirasyon ko na mula sa kolehiyo. Hindi mapapantayan
ng mga salita kung gaano ka kagaling pero sa iilang araw lang na ibinahagi mo
ang iyong mga nalalaman, naipasa mo sa amin ang kaalamang tatandaan namin
habambuhay.
Ang galing mong guro.
Ang galing mong magpaliwanag at ang galing
mo ring umintindi.
Ang galing mong maging seryoso at ang
galing mo ring magpatawa.
Ang galing mong magtanong at ang galing mo
ring sumagot.
Sa dami ng napagdaanan kong professors,
ikaw ang pinakamagaling kahit na ikaw ang isa sa mga pinakabata sa kanila.
Siguro, malaking impact para sa’kin ang
pagiging Psych Major mo. Ang dami mo na kasing nalalaman at tingin ko, naaapply
mo iyon sa araw-araw mong pakikisalamuha. Alam mo kung pa’no mo ihahandle ang
mga estudyante mo at napaparamdam mo na naiintindihan mo ang mga estudyante mo.
Isa ka lang sa mga iilang gurong kilala ko na nakakagawa nito.
Siguro, malaking impact din para sa’kin ang
pagiging mapanindigan mo. Kahit ano pa ang kasarian mo, naging matagumpay ka sa
pinili mong karera at ngayon ay nag-eenjoy ka na lang kasama ang mga mahal mo
sa buhay sa mga bagay na pinaghirapan mo. Pinatunayan mo na kahit hindi tanggap
ng lipunan ang iyong kasarian ay kaya mo pa ring magpatuloy sa mga pinapangarap
mo.
Siguro, malaking impact din na nanggaling
ka sa mahirap na pamilya at bilang panganay ay nagampanan mong maging isang
breadwinner kahit na sa paraang hindi mo ginusto. Nabanggit mo na hindi mo
pinangarap maging nurse pero para sa pamilya mo e pinilit mong maging nurse at
natutunan mo itong mahalin kaya pinili mong magspecialize.
Kung susumahin, naging inspirasyon ka
sa’kin dahil nakikita ko sa’yo kung pa’no nabubuhay ang isang taong masaya at
nag-eenjoy. Nakikita ko sa’yo ang taong nabobore kapag walang problema.
Nakikita ko sa’yo ang taong gumugusto ng thrill sa buhay.
Simula pa noon, inaabangan ko nang maging
clinical instructor ka Sir kaso hindi ako napagbigyan ng pagkakataon. Sa halip
ay naassign ako sa ibang ward na puno rin naman ng mga pwedeng matutunan. Pero
sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin ako na nagkaroon ako ng pagkakataong
maging lecturer ka sa loob ng isang linggo. Kahit na nagmamadali tayo, marami
akong natutunan sa’yo at paniguradong magagamit ko ang lahat ng mga sinabi mo
sa magiging experiences ko hindi lang sa loob ng ward bilang nurse pero pati sa
labas ng ospital bilang isang indibidwal.
Nalulungkot ako dahil may nakapagsabi sa
akin na aalis ka na raw sa kolehyo pagkatapos ng taong ito. Hindi na
mararanasan ng mga susunod na batch ang galing mo Sir. At hindi naman sa
pagiging makasarili pero iniisip kong ang swerte ko pa rin talaga dahil sa
huling taon mo ay nasa huling taon na rin ako ng kolehyo (sana nga). Alam kong
ang desisyon mo ay walang koneksyon sa batch namin pero nagpapasalamat ako
dahil nagkataong pinagtapos mo muna ang batch namin bago ka umalis (kung totoo
man ito).
Naisipan kong magsulat tungkol sa’yo Sir
dahil nagpapasalamat ako sa activity na ginawa natin kanina. Nagpapasalamat ako
na nagkaroon ako ng pagkakataong maranasan ang art therapy galing sa’yo nang
libre. Nagpapasalamat ako na naging instrumento ka para maibahagi ko ang mga
nararamdaman ko. Nagpapasalamat ako na dahil sa’yo, naramdaman ko na
napapakinggan ako. Nagpapasalamat ako dahil sa dami ng insecurities ko,
naiparamdam mo na importante rin pala ang mga naiisip at nararamdaman ko.
At syempre, bahagi rin ng pasasalamat na’to
ang mga kaklase ko na hindi ko ring akalaing makikinig sa kwento ko.
Nagpapasalamat ako na naging bahagi rin sila ng pagbabahagi ko ng parte ng
buhay ko na matagal ko nang kinalimutan at patuloy na tinatakasan. Hindi ko
akalaing sa kanila [na hindi ko naman lahat ka-close] ko pa masasabi ang mga
nararamdaman ko.
Maraming salamat talaga sa’yo Sir. Hindi ko
mapagkasya ang lahat ng paghanga at pagpapasalamat ko sa’yo pero pinapangako ko
sa sarili ko at sa’yo (kahit na hindi mo alam) na hindi masasayang ang puhunan
mo sa aming mga naging estudyante mo. Hindi masasayang ang bawat segundo ng
pagtuturo mo, Sir. Mananatili kang isang inspirasyon.
At kaya rin ako nagsulat sa Filipino (sa
abot ng makakaya ko at hangga’t komportable ako) e dahil sa ‘yon din ang
ginagawa ni Sir ngayon dahil ngayon ay Buwan ng Wika.
Comments
Post a Comment