Inhaler na lang sana ang libro
Science. Technology. Society.
STS. Sa totoo lang, hindi ko gamay ang mga pinag-uusapan namin (o NILA) sa
subject na’yan dahil hindi ko gusto kung pa’no hinahandle ng professor namin
ang subject. Video, tapos magsasabi sya ng mga ideya nya na hindi ko alam kung
saang lupa nya hinukay, reporting, salita sya, tapos pag tulog na kami, biglang
may quiz. Ilang beses na rin naman akong bumagsak sa kahit anong klase ng exam sa iba't ibang subject pero sa kanya lang ako nagkazero sa quiz by choice. Kumbaga, mas pinili kong
matulog at nagpasa lang ako ng papel para sa attendance.
Pero totoo yatang may himala.
Nakinig ako sa kanya kanina. Parang
biglang nagka-sense ang mga sinasabi nya. Bigla akong naging interesado.
Nag-umpisa ‘yon nung pinag-isip nya kami ng produktong iaadvertise namin by the
year 2025. Hindi ako mahilig sa sci-fi pero may mangilan-ngilang movies din
naman akong napanood na techy kaya may ideya ako sa kung anong pwedeng mangyari sa hinaharap.
Sa totoo lang, halos walang
pumasok sa isip ko pero ang gusto kong maimbento e ‘yung may koneksyon sa
kalusugan o sa medisina.
Hindi na siguro imposible kung
magkaroon ng ref na isscan lang ang mata mo at may ilalabas na syang
computation ng caloric requirement mo sa screen. Hindi na rin siguro bago ang
idea na magdedevelop ng isang organ galing sa sarili mong stem cell para
maiwasan na ang graft to host transplant reaction. Pwede rin ‘yong gamot na
customized na para sa’yo. Kumbaga, mabibigay na ng isang tableta ang kailangan
mong gamot depende sa o sa mga sakit mo. Kunwari, si Patient A ay may high
blood at diabetes, ang ititimplang gamot sa kanya e ‘yung para na sa high blood
at diabetes. Naiimagine mo ba?
Pero sa lahat ng naisip ko, ito
ang pinakainaasam-asam ko. Sana gamot na lang din ang mga libro. Pwedeng
inhaler, tableta, IV, topical at huwag naman sana suppository. Sana, sa isang
dose ng gamot, may isang chapter ng libro ka nang naidagdag sa kaalaman mo. Tapos, ang magiging trabaho
na lang ng mga paaralan e ang hasain ka para maayos mong magamit ang kaalaman
mo. Sa madaling salita, “Nasa gamot ang talino, nasa tao ang ensayo.”
Masayang isipin na magkaroon ng
ganitong gamot. Total, malaki naman ang kapasidad ng utak, kayang kaya naman
siguro nyang i-store ang lahat ng impormasyon. At para hindi sya maoverload,
limitado lang ang pwedeng inumin ng tao sa isang araw. Kaya hindi isang libro
ang laman ng isang gamot, parte lang ng libro ang kaya ng isang dose. Ang dami sigurong estudyante, mga researcher
at mga scientist ang matutuwa kung ganito. Napakadali siguro ng buhay kung
ganito. Ayusin mo lang ang pag-eensayo mo o ang pag-apply ng mga kaalamang dala
ng gamot mo, tuloy ka na sa asenso.
Pero paniguradong marami ring
magiging isyu ang imbensyon na ito, maaaring etikal o pangkalusugan.
Paniguradong may mga magiging epekto ito na kahit hindi naman intensyong
mangyari ay mangyayari. Sa tingin ko, kailangan pa ng matagal na pag-iisip para
maanalyze ang mga pwedeng mangyari kung magkaroon man ng ganito. Kaya naman
hindi ko na isasama sa entry na to ang mga iyon. Siguro sa ilang araw na
susunod, maisipan kong pag-isipan ito at magpost ulit tungkol dito. Sa
ngayon, gusto ko lang maisulat na naisip ko ang ideyang ito at naniniwala ako
na magkakaroon din ng araw na hindi na imposible ang ganitong klase ng
teknolohya.
Comments
Post a Comment