After exam feels

Sa ilang taon kong naging estudyante, ang dami ko nang exams na pinagdaanan. Ang dami ko nang exams na pinerfect (haha weh? syempre joke lang to), ipinasa at ibinagsak. Wala akong pakialam sa kung ilan ba ang nagkaroon ng aling resulta. Ang punto ko ngayon e kahit ang dami ko nang sinagutan at iniwang blangkong exam, ganon pa rin ang pakiramdam. Ganon pa rin ang pakiramdam ng naghihintay ng resulta – laging walang kasiguraduhan.


Simulan natin to sa panahon bago mag-exam. Paano ba ako maghanda para sa exam? Depende rin kasi sa kung anong exam. Depende sa kung gamay ko na ba iyong topic o iyong subject. Kumbaga, kung nahihirapan ako, mag-aaral ako nang todo. Kung nadadalian ako, magrereview na lang ako nang kaunti.

Paano ko ba nasasabi kung mahirap? Unang una, kung kahit anong pilit ng intindi ko sa kanya, nalilito ako. Komplikado. Meron din namang komplikado na nga, sobrang haba pa. Pwede ring komplikado, mahaba at halos memorization. Paano ako mag-aral nang todo? Syempre, gagawa muna ako ng schedule ko. Ako kasi iyong tipo ng taong hindi makakatulog hangga’t hindi natatapos lahat o kaya naman hindi man lang nangalahati sa dapat kong gawin. Kaya kung may mahirap akong exam, magbibigay ako ng hangga’t maaari, isang araw na siya lang ang pag-aaralan ko. Late akong gigising sa umaga para tuloy-tuloy na ako sa gabi. Kape ang karamay ko sa pag-aaral. Hindi ako nag-aaral sa  kama ko, lagi akong nasa kainan kung saan may mesa at upuang hindi nakakaantok upuan. Noong una, mahilig akong magmusic pero hindi kalaunan ay narealize kong nadidistract lang ako kapag may sinasabayan akong kanta kaya mas okay na ring tahimik. Walang halong Facebook o Youtube. Walang distractions kumbaga. Tuloy-tuloy na pagbabasa, pagsusulat, highlight. Nagbbreak ako kada dalawang oras o kung minsan e pagkatapos ng mas matagal pang oras. Sa umpisa lang naman mahirap, kasi mahirap magsimula. Pero kapag nasisimulan ko na, tuloy-tuloy na 'ko. Nasa estado na 'ko ng tinatawag nating “flow”. Kung wala akong pagkakataong magkaroon ng isang araw para sa kanya, magsisimula na akong mag-aral ilang araw pa bago ang exam para unti-unti na akong umuusad sa kanya. Para sa araw bago ang exam, scan-scan na lang, kaunting review-review. Matutulog lang ako kapag tapos na ako sa lahat. (Take note: ISANG GABI O ISANG SEMESTER?)

Pero...



Hindi ako magkukunwaring consistent ako sa ganoong routine. Madalas din naman akong bumigay sa temptasyon ng pagtulog at iyon ay dahil siguro sa sobrang pagod o hindi ako ganong nag-aalala para sa exam na iyon kahit na alam kong mahirap siya (siguro dahil alam kong multiple choice? o kaya naman norm-referenced ang scoring?) Pagkaganon, itinitigil ko na ang pag-aaral nang detalyado, magsscan na lang ako at maglalaan pa rin ako ng kahit dalawang oras na tulog bago ako mag-exam. Maisingit ko lang kahit na general knowledge naman na ito, sobrang halaga ng tulog. Mas okay nang hindi ka gaanong nakapagreview pero kumpleto ang oras ng tulog mo kesa sa nakapagreview ka nang todo pero wala kang tulog. Kapag wala kang tulog, nawawalan ng silbi ang pinagpuyatan mo. Hindi na kakayanin ng sagad mong utak ang mag-isip pa sa exam. Kung minsan pa, nag-iiba na ang pag-intindi mo sa mga tanong. Pagkatapos ng exam, saka ka magsisisi.

Paano ko nasasabi kung madali ang exam? Kung gamay ko ang topic o ang subject. Kung maraming beses ko na siyang napag-aralan. Kung matagal ko na siyang alam. Kung kahit tanungin mo ako ngayon, masasagot kita tungkol doon. Paano ako nag-aaral para dito? Titingnan ko lang ang outline ng topics. Irerecite ko sa utak ko kung anong laman ng bawat item sa outline na para bang naglelecture ako sa sarili ko. Iyon lang plus kumpletong tulog.

Ginawa ko na ang lahat, naghanda ako para sa exams. Nagsunog ako ng kilay. Nagsagot na ako ng exams. Ang tanong, sapat ba lahat ng ginawa ko para pumasa?

Tuwing matatapos ako sa pag-eexam,  isa lang dito ang nararamdaman ko. Ang hirap ng exam, hindi ako sigurado sa mga sagot ko. Ang hirap ng exam, hindi ako natapos. Ang hirap ng exam, nakakalito iyong choices. Madali sana iyong exam kaso nakalimutan ko ang pinag-aralan ko. Madali ang exam kaso madali ba talaga siya o mali lahat ng sagot ko. Sa maikling salita, naghanda ako para sa exam pero laging hindi ako sigurado sa resulta nito. Ito ang pinakanakakatense na parte ng buhay estudyante sa aspekto ng grades – ang segundo, minuto, oras, araw, linggo o buwan sa pagitan ng pagpasa mo ng papel mo at pag-aanunsyo ng scores o grades mo.

Nasabi ko nang nagawa ko na ang lahat. Nagawa ko na ang parte ko. Ang magagawa ko na lang ay ang maghintay. Maghintay, maghintay, maghintay. Ikaw rin, maghihintay. Pipili ka na lang kung paano ka maghihintay. Mag-aalala ka ba o mag-eenjoy ka. Pag-isipan natin.

Mag-aalala ka. Sige, isipin mo nang isipin kung papasa ka ba o hindi. Isipin mo hanggang masiraan ka ng bait kung tama ba ang mga sinagot mo o hindi. Manghinayang ka sa mga sagot mong hindi ka sigurado tapos noong tiningnan mo sa reviewer mo e mali pala. Magsisi ka kung bakit pinalitan mo pa ang sagot mo e iyong original mo palang sagot ang tama. Ano, gumaan ba pakiramdam mo? (Kung oo, totoo ba iyan? Haha) Ikapapasa mo na ba ang pag-aalala mo? Hindi di ba.

Mag-enjoy ka. Kalimutan mo nang may pinagdaanan kang exam. Kalimutan mo nang hindi ka natapos. Kalimutan mo nang may mga mali kang sagot. Kalimutan mo nang parang babagsak ka. Itreat mo sarili mo para sa paghahandang ginawa mo para sa walang hiyang exam na iyan. Kumain ka ng masarap. (Uminom kayo ng friends mo? Haha, kayo bahala.) Idaan mo sa arcade ang sama ng loob mo. Magjogging ka o magsports ka para mawala ang tensyon sa isip at katawan mo. Panoorin mo lahat ng namiss mong movies, manga o series. Bawiin mo na iyong oras na ipinang-aral mo na dapat e itinutulog mo noon. Magpamasahe ka. Kung talagang mahilig kang mag-aral, mag-aral ka na lang. Bumawi ka sa ibang exams. Ano, gumaan ba pakiramdam mo? (Mas malamang na oo kaysa hindi.) Ikapapasa mo na ba ang pag-eenjoy mo? Hindi rin, pero aminin mo: NAG-ENJOY KA. NAKABAWI KA (kahit sa anong paraan man iyan). HINDI KA NALUGI. 

Kaya kung ako sayo, mag-iisip na ako ng backup plan. Paano kung bumagsak ako? Syempre magluluksa muna ako. Kung may paraan pang marevive ang bagsak ko, gagawin ko pero kung wala na, tatanggapin ko. Sasabihin ko to sa magulang ko. Sasabihin ko rin sa magulang ko na kahit anong mangyari, kahit na bumagsak ako, uulitin ko ang kursong to at tatapusin ko to kasi wala sa options ko ang sumuko. Wala sa bokabularyo kong sukuan ang pangarap ko dahil lang sa pagbagsak sa exam na hindi naman tanging sukatan ng katalinuhan o kaalaman mo. Pagkatapos ng pag-iisip ng backup plan, mag-eenjoy na lang ako habang naghihintay. Bakit pa ako mag-aalala, naisulat na ang naisulat. Hindi mabubura ng pag-aalala ko ang mga mali kong sagot. Hindi masusulatan ng pag-iisip ko ang test item na iniwan kong blangko. Masstress lang ako. Okay nang sumaya na lang ako, di ba?

Ikaw, dear reader, nasa sa iyo pa rin kung anong pipiliin mo. Basta sinasabi ko sa iyo, kahit anong gawin mo, kahit anong isipin mo, ganoon pa rin ang resulta ng exam mo. Parehong score lang ang iaannounce o sasabihin sa iyo sa itinakdang oras o araw ng professor mo. Walang magbabago. Good luck! :)



Comments

Popular posts from this blog

That 15 Minutes

Para kay Mr. NJ