Instant Friend


Pakiramdam ko, may mali. Pakiramdam ko, ang bilis ng lahat. Pero baka feeler lang ako. Talaga lang sigurong mahilig akong magduda sa mga bagong taong dumadating sa buhay ko.

Dati-rati, hindi naman tayo ganito ka-close. Dati, isa ka lang sa mga kakilala ko. Isa ka lang sa mga schoolmates ko. Isa ka lang sa mga nasasalubong ko sa corridor. Pero bakit dahil lang sa isang pagkakataon, biglang parang may nagbago. Parang may naglevel-up. Kung dati, nagbabatian lang tayo kapag nagkakasalubong, ngayon, ang tagal nating mag-usap magkasama man tayo o hindi. Kung dati, nagkikita lang tayo dahil nagkataong imbitado tayo sa iisang event, ngayon, nagkakayayaan tayong gawin ang mga normal na bagay kahit walang event.  Kumbaga dati, nagkakausap at nagkikita lang tayo dahil sa kone-koneksyon sa ibang tao. Ngayon, nagkikita at nag-uusap tayo nang tayo lang.

Hindi ko alam kung ba’t ganon. Siguro dahil nag-eenjoy lang tayo na pareho tayong bago sa isa’t isa. Siguro dahil pareho lang tayong walang magawa (kahit na meron naman talaga). Siguro dahil pareho lang nating kailangan ng detox.

Hindi ko alam kung anong iniisip mo tungkol sa samahang to o kung iniisip mo nga ba to. Basta iniisip ko na nagkataon lang na nagtutugma para sa atin ang mga pagkakataon sa ngayon.  Alam kong walang kung anumang malalim na nangyayari sa atin at walang dapat ipag-alala pero hindi ko rin maiwasang magtaka kung bakit ganito tayo ngayon. Siguro naninibago lang ako. 

Sa nagbabasa nito, ayokong isipin mo na may “something”. Wala akong iniexpect dito. Masaya lang ako na nabigyan ako ng tsansang mas makilala ang taong to. Hindi ko kasi to inaasahan. Masaya ako na nadagdagan ang mga kaibigan ko at natanggal siya sa listahan ng mga kakilala ko lang. 



Comments

Popular posts from this blog

After exam feels

That 15 Minutes

Para kay Mr. NJ